Nagpa-unlak ng isang poto op ang mga opisyal na kinatawan ng SDO Rizal pagkatapos pailawan ang proyektong LAMPFARA na isinagawa sa SM Events Center ng Angono, Rizal, Agosto 7. Kaliwa ng simbolo: Dr. Teresita Paredes, hepe ng CID, kasama ang iba pang mga PSDSs; Kaliwa-Kanan ng simbolo: Christopher Diaz, Kawaksi, Tanggapan ng Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan (nakatayo), Meliton Berin (nakaupo), Michael Erald Ortega, Dalisay Torres, Pansangay na Tagamasid sa Filipino, at Dr. Angelito Dasalla.

Upang patuloy na matugunan ng Sangay ng Rizal ang mga bagong hamon ng pagsasakatuparan ng K to 12 Curriculum, pormal na nitong pinasinayaan ang LAMPFARA—isang proyektong naglalayong magamit pa ng husto sa pagtuturo at pagkatuto ang internet noong Agosto 7 sa SM Center, Angono, Rizal.

       Pinangunahan ni Gng. Dalisay Torres, Pansangay na Tagamasid ng Filipino, ang nasabing paglulunsad ng mga proyektong naglalayong tutugon sa pangangailangan ng mga guro at batang Rizaleño.

Matatandaang inilunsad noong 2016 ang pansangay na programang “Innovision” alinsunod sa itinadhana ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng K to 12 Kurikulum na nag-aatas sa mga pansangay na tagamasid sa ibat’-ibang asignaturang makagawa ng mga proyekto na naglalayon namang tumuklas ng mga makabagong paraan at estratehiya sa pagtuturo gamit ang teknolohiya.

“Ang inyo pong lingkod, kasama ang aking mga kaagapay at tagapag-ugnay mula sa mga  tagamasid pampurok, mga punong guro mula sa antas ng elementarya at sekundarya ay naging agresibo sa pagsasakatuparan ng proyektong ito upang patuloy na maitaas ang kalidad ng antas ng pagtuturo at pagkatuto sa ating lalawigan.” ani ni Torres sa isang panayam.

Nakapaloob sa Proyektong LAMPFARA—Lapiang Makawika, Panitikan, at Maka-Filipino Alay sa Batang Rizaleño, ang e-Silar, na isang elektronikong Silid-Aralan kung saan ang mga mag-aaral na hindi kayang pumasok ng regular sa paaralan dahil sa anupamang kadahilanan ay maaring makapag-aral pa rin gamit ang kompyuter at internet.

Layunin namang mai-angat ang kakayahan sa pagbabasa at komprehensyon sa asignaturang Filipino ng proyektong PagbasaTas (Pagbasa at Komprehensyon Itaas) na may dalawang uri– ang BasarKada at PagbaSaBahay.

Rizaliksik naman ang ikatlong bahagi ng proyekto na tumutukoy sa grupo ng mga guro at mag-aaral na naglalayong tumuklas ng mga makabagong dulog at estratehiya gamit ang mga datus at impormasyong kanilang makakalap sa pananaliksik.

“Binabati ko ang Lapiang Filipino para sa unang proyekto ninyo sa taong ito under ng CID.  SDO will support for its articulation in full swing.  I challenge our PSDSs na makita sa ating mga paaralan ang paggamit nito.” sinabi ni Dr. Teresita Paredes, hepe ng CID, sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng proyekto.

 

By: Ana Liza Flores